Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH
Sa pangunguna ng pamahalaang lokal ng Naic, sari-saring programa at gawain ang idinaos sa bayan upang ipagdiwang ang NaicGikan Festival ngayong 2008. Sumusunod ang tala ng nabanggit na mga programa gamit ang temang “Pagbabalik-Tanaw sa Kasaysayan, Daan Tungo sa Maunlad na Kinabukasan.”

NSO and NBI on Wheels. Upang mapaalwan, mapalapit at hindi na maging magastos ang pagkuha ng mga dokumento mula sa National Statistics Office (NSO) at National Bureau of Investigation (NBI), mismong ang NSO at NBI ang inanyayahan sa Naic upang magbigay-serbisyo sa mga Naicqueno. Kapwa idinaos ang “NSO on Wheels” at “NBI on Wheels” sa Lacson Hall sa munisipyo ng Naic. Ang sa NSO ay isinagawa noong Abril 22 (8:00am-12:00pm) at ang sa NBI ay noong Abril 23-25 (9:00am-3:00pm). Ayon kay Vice Mayor Jun Dualan, sa kanyang mga talumpati sa mga pagdiriwang ng NaicGikan Festival, nasa 817 ang nabigyang serbisyo ng NSO at 1,058 naman ang sa NBI.

Street Dancing Competition. Ika-8nu noong Abril 26, mula munisipyo sa Ibayo Silangan ay pasayaw na tinunton ng mga kalahok ang plaza. Mula sa ilang eskwelahan at samahan, kani-kanyang gayak din ang mga kasapi sa street dancing competition. Sa huli ng mala-paradang street dancing, nakilahok din sa pag-indak ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaang lokal.

Trade Fair and Exhibit. Matapos ang street dancing na sinundan ng isang programa sa plaza noong Abril 26, ganap na binuksan ang trade fair at exhibit na nasa loob mismo ng liwasan. Tampok sa trade fair at exhibit ang mga natatanging pagkaing Naicqueno at/o pagkaing naiiba na luto ng taga-Naic. Ilan sa mga pagkaing inihanda at itininda ang cuchigo (kutsintang may munggo), uukan, suman, pechegab (petse-petseng gabi) at iba pa. May mga handicraft din na gawa sa Non-Formal School ng Naic Elementary School, at iba pang gawa naman ng mga bilanggo sa Naic Municipal Jail. Sinimulan din ang pagtitinda ng aklat-Naic na isinulat ni Dr. Emmanuel Calairo. May mga gulay at ilang produktong Naic pa ang itininda sa trade fair. Kani-kanyang booth ang bawat tindahan. Ipinagawa ng Munisipyo ang mga booth at binigyan ng puhunan ang mga nakiisa sa trade fair, partikular ang mga nagtinda ng pagkain. Araw-araw hanggang unang araw ng Mayo ay matatagpuan ang trade fair at exhibit sa plaza.

Piglasan. Bandang ika-10nu ng Abril 28 nang idaos ang paligsahan sa panghuhuli ng baboy. May kung ilang set ng hulihan, nilahukan ang pig catching ng mga kababaihan mula sa iba’t ibang baranggay ng Naic. Isinagawa ang Piglasan sa damuhan ng Balsahan Elementary School. Nagbigay saya at aliw sa mga nakilahok at nakasaksi ang naganap na panghuhuli sa mga baboy.

Pigsarap. Matapos ang Piglasan, bandang ika-2nh ay sinimulan naman ang Pigsarap sa Naic Covered Court. Ang Munisipyo ang nagbigay ng mga karne ng baboy habang ang mga kalahok naman ang nagdala ng kani-kanyang sahog o rekado, pati mga gamit at lutuan. Tampok sa paligsahan ang mga orihinal na lutong baboy ng mga kasali. Saglit na nagkaroon ng food tasting matapos ang mga pagluluto. Tumagal ng humigit-kumulang tatlong oras ang buong Pigsarap.

Koresh (Gay Boxing). Isa sa mga pinakadinagsa ng mga Naicqueno ang boksing ng mga bakla sa court. Nag-uumapaw ang mga tao sa court habang nasa gitna ang ring kung saan isinagawa ang boksing. Sa una ay may kani-kanyang costume pa ang mga kasapi (gaya halimbawa ng pang-sirena) na hinuhubad bago sumabak sa laban. Maraming pares ng mga bakla ang nagboksing. Abril 29, nagsimula ang Koresh bandang ika-8ng at natapos pasado ika-10ng. [video]

Grand Sagala and Fashion Show. Tampok sa huling araw ng Abril ang pagparada ng magagandang dilag, binata at bata, sa kani-kanyang magagarang kasuotan. Ilan sa mga nagsagala ang mga dati nang kinilala bilang Mr. and Ms. Enviro-Naic. Dapat sana ay ika-5nh sisimulan ang sagala mula munisipyo patungong plaza, kung saan naman isasagawa ang fashion show. Subalit sa pagbuhos ng malakas na ulan kinahapunan na sinundan ng manaka-nakang pag-ambon, inabot na ng dilim bago ganap na nagsimula ang sagala. Hindi na inalintana ang pag-ambun-ambon, makarating sa plaza ay nilibot pa ng mga sumasagala ang kabayanan (daang parada) bago humantong sa court. Dahil sa pag-uulan, mula plaza ay inilipat na sa court ang lunan ng fashion show. Bandang ika-9ng nang matapos ang pagrampa ng mga nagsagala. [video]

Book Launching. Naic, Cavite: Kasaysayang Lokal Mula Panahon ng Kastila Hanggang Panahon ng Hapon,” inakda ni Dr. Calairo, ang tampok sa programa sa Mayo 1. Ika-7nu nang sinimulan ang palatuntunan sa plaza na dinaluhan ng iba’t ibang sektor ng Naic. Ilan sa mga nagbigay ng mensahe sina Mayor Efren Nazareno, Governor Irineo “Ayong” Maliksi, at ang panauhing pandangal na si dating Prime Minister Cesar Virata. Habang tinalakay ng mga nabanggit ang ilang yugto sa kasaysayan ng Naic at Cavite, inilahad naman ni Dr. Calairo ang kwento sa likod ng isinulat niyang aklat. Kapagdaka ay inilunsad na ang aklat sa Naic, pangalawang paglulunsad matapos ang pang-akademikong paglulunsad dito kamakailan. Bahagi rin ng palatuntunan ang pag-ampon kina Prime Minister Virata at Dr. Calairo bilang mga Naicqueno.

Parade and Street Dancing. Matapos ang programa ng book launching, pasado ika-8nu, isinunod naman ang malaking parada ng bayan. Sa parada ay muling lumahok ang mga nauna nang kasapi sa street dancing. Bahagi ng parada ang mga Naicqueno mula sa iba’t ibang sektor—edukasyon, simbahan, baranggay, iba pang institusyon at samahan. Tampok naman sa parada ang float contest na nagtanghal sa makukulay na yugto ng kasaysayan ng Naic. Hinati ang 30 baranggay ng Naic sa anim at ang magkakagrupong baranggay ay nagtulung-tulong ayon sa naitakdang float para sa kanila. Binigyang buhay sa mga float ang Labanan sa Poblacion ng Naic, Labanan sa Timalan, Labanan sa Palangue, Acta de Naic, Pagdidisenyo ng Unang Bandila ng Pamahalaang Rebolusyonaryo, at Pagbuo sa Gabinete ng Pamahalaang Aguinaldo.

Little Mr. and Ms. Enviro-Naic. Gaya ng kinagawian, ikinabit na sa mga beauty pageant ng bayan ang kampanya sa pangangalaga sa kalikasan. Habang sa mga nakararaan ay Mr. and Ms. Enviro-Naic ang idinaraos, pambata naman ang naging paligsahan ngayong taon. Mula sa iba’t ibang baranggay, unang isinagawa ang talent portion ng Little Mr. and Ms. Enviro-Naic sa court noong Abril 26, ika-2nh. Samantala, bilang engrandeng pagwawakas sa Araw ng Naic, idinaos naman ang Coronation Night nitong ika-1 ng Mayo, mula ika-6ng hanggang sa maglalim ang gabi. Sa unang yugto ng koronasyon, itinanghal ang mga kalahok suot ang kani-kanyang maka-kalikasang kasuotan. Recycled at yari sa mga patapong bagay ang materyal na ginamit sa mga kasuotan ng mga kalahok. May yari sa karton, tray ng itlog, plastic cups at bottles, hose ng washing machine, tanzan, dyaryo, straw, at marami pang iba. Maging ang mga paksa sa Question and Answer portion ay uminog sa kung papaano mapangangalagaan ang kalikasan. [video]

Summer Job Fair. Habang Mayo 01 ang maituturing na wakas ng mga gawaing kultural, ibinibilang din ang job fair na idaraos sa Mayo 9 na bahagi ng mga gawain para sa NaicGikan Festival. Mula ika-9nu hanggang ika-3nh, idaraos ang nasabing job fair sa Lacson Hall.

More stories, videos and photos about NaicGikan Festival 2008? click here

Feel like commenting but no Multiply account? Express your views in our Guestbook: click here
 

Add a Comment